Si Dr. Jose Rizal ay ang pambansang bayani ng Pilipinas. Sya ay ipanganak noong ika-19 ng Hunyo, 1861 ngunit sya ay namatay sa murang edad na 35 taon noong ika-30 ng Disyembre, 1896. Bukod sa pagiging dakilang bayani, henyo, doktor,pintor, iskultor, manunulat, at iba pang mga natatanging talento at katalinuhan siya rin ay isang Pilipinong tunay nating maipagmamalaki sa buong mundo dahil sya ay nakibaka upang ang bansang Pilipinas ay maging malaya. Maliban dito, gaano nga ba natin kakilala ang ating pambansang bayani?
Si Rizal ay ika-pito sa labin-isang mga anak nina Mr. & Mrs. Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonso y Quintos. Ang kanyang mga ninuno ay may lahing Intsik, Hapon, at Espanyol. Siya ay nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran, Ateneo Municipal de Manila, at University of Santo Tomas. Bukod dito, lihim rin na pumunta si Rizal sa Epanya upang mag-aral ng medisina sa Universidad Central de Madrid. Sya rin ay dumalo sa ilang mga medikal na pag-aaral at pananaliksik sa University of Paris at sa University of Heidelberg sa Germany. Sa edad na 25 taong gulang, ginamit ni Rizal ang ophthalmoscope sa Heidelberg kung saan ito rin ang kanyang ginamit para magamot ang mata ng kanyang ina.
Iilan sa mga paboritong pagkain ni Rizal ay pansit, mangga at lansones. Kadalasan, ang kanyang almusal ay mainit na tsokolate, kanin at tuyo. Sya ay mahilig din sa paksiw at sinigang. Sya ay hindi umiinom ng alak at ang kanyang inuming tubig ay laging malamig at may kasamang yelo.
Si Rizal ay naugnay din hindi lamang sa iisa kungdi sa siyam na magagandang dilag. Sila ay sina Segunda Katigbak, Leonor Valenzuela, Leonor Rivera, Consuelo Ortiga, O-Sei San, Gertrude Beckette, Nelly Boustead, Suzanne Jacoby, at ang pinakahuli at kanyang naging asawa ay si Josephine Bracken. Sila ay nagkaroon ng isang anak. Ang pangalan nito ay Francísco Rizal y Bracken. Ngunit ang sanggol ay kaagad na nalagutan ng hininga iilang oras lamang matapos ipanganak.
Dahil sa kasong rebelyon, si Rizal ay itinakdang barilin sa pamamagitan ng Firing Squad noong December 30, 1896. Bago sya binaril ng mga sundalo, tinignan ng Heneral ang pulso ni Rizal at sya ay nagitla dahil ang pulso ni Rizal ay normal, walang kaba, walang takot sa araw na nakatakda. Ang huling mga salita ni Rizal bago sya nalagutan ng hininga ay: “Consummatum est” (It is Finished). Sya ay palihim na inilibing sa Paco Cemetery at walang marka o pangalan ang kanyang libingan. Ang kanyang kapatid na si Narcisa ang syang naghanap ng kanyang huling hantungan, at ito’y nilagyan ng markang RPJ (kabaliktaran ng kanyang inisyal na JPR). Pagkamatay ni Rizal, si Josephine Bracken na kanyang asawa ay naging myembro rin ng rebolusyon. Sa bandang huli, sya ay umalis papuntang Hong Kong, nakapag-asawang muli, at namatay sa sakit sa baga.
Bilang paggunita sa ating pambansang bayani, ang ika-30 ng Disyembre ay naging isang opisyal na Public holiday sa bansa. Merong ding mga bansa sa mundo kung saan merong mga monumentong itinayo para sa kanyang karangalan. Matatagpuan ang mga ito sa Espanya, Japan, Wilhelmsfeld, Germany, China, USA, Hawaii, Mexico, Peru, Czech Republic, Canada.