Category: Pinoy Corner


Pinoy Corner

Si Dr. Jose Rizal ay ang pambansang bayani ng Pilipinas.  Sya ay ipanganak noong ika-19 ng Hunyo, 1861 ngunit sya ay namatay sa murang edad na 35 taon noong ika-30 ng Disyembre, 1896.  Bukod sa pagiging dakilang bayani, henyo, doktor,pintor, iskultor, manunulat, at iba pang mga natatanging talento at katalinuhan siya rin ay isang Pilipinong tunay nating maipagmamalaki sa buong mundo dahil sya ay nakibaka upang ang bansang Pilipinas ay maging malaya. Maliban dito, gaano nga ba natin kakilala ang ating pambansang bayani?

Dr. Jose Riza

Si Rizal ay ika-pito sa labin-isang mga anak nina Mr. & Mrs.  Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonso y Quintos.  Ang kanyang mga ninuno ay may lahing Intsik, Hapon, at Espanyol.  Siya ay nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran, Ateneo Municipal de Manila, at University of Santo Tomas.  Bukod dito, lihim rin na pumunta si Rizal sa Epanya upang mag-aral ng medisina sa Universidad Central de Madrid.  Sya rin ay dumalo sa ilang mga medikal na pag-aaral at pananaliksik sa University of Paris at sa University of Heidelberg sa Germany.  Sa edad na 25 taong gulang, ginamit ni Rizal ang ophthalmoscope sa  Heidelberg kung saan ito rin ang kanyang ginamit para magamot ang mata ng kanyang ina.

Dr. Riza

Iilan sa mga paboritong pagkain ni Rizal ay pansit, mangga at lansones.  Kadalasan, ang kanyang almusal ay mainit na tsokolate, kanin at tuyo.   Sya ay mahilig din sa paksiw at sinigang.  Sya ay hindi umiinom ng alak at ang kanyang inuming tubig ay laging malamig at may kasamang yelo.

 

Si Rizal ay naugnay din hindi lamang sa iisa kungdi sa siyam na magagandang dilag.  Sila ay sina Segunda Katigbak, Leonor Valenzuela, Leonor Rivera, Consuelo Ortiga, O-Sei San, Gertrude Beckette, Nelly Boustead, Suzanne Jacoby, at ang pinakahuli at kanyang naging asawa ay si Josephine Bracken.  Sila ay nagkaroon ng isang anak.  Ang pangalan nito ay Francísco Rizal y Bracken.  Ngunit ang sanggol ay kaagad na nalagutan ng hininga iilang oras lamang matapos ipanganak.

 

Dahil sa kasong rebelyon, si Rizal ay itinakdang barilin sa pamamagitan ng Firing Squad noong December 30, 1896. Bago sya binaril ng mga sundalo, tinignan ng Heneral ang pulso ni Rizal at sya ay nagitla dahil ang pulso ni Rizal ay normal, walang kaba, walang takot sa araw na nakatakda.  Ang huling mga salita ni Rizal bago sya nalagutan ng hininga ay: “Consummatum est” (It is Finished).  Sya ay palihim na inilibing sa Paco Cemetery at walang marka o pangalan ang kanyang libingan.  Ang kanyang kapatid na si Narcisa ang syang naghanap ng kanyang huling hantungan, at ito’y nilagyan ng markang RPJ (kabaliktaran ng kanyang inisyal na JPR). Pagkamatay ni Rizal, si Josephine Bracken na kanyang asawa ay naging myembro rin ng rebolusyon.  Sa bandang huli, sya ay umalis papuntang Hong Kong, nakapag-asawang muli, at namatay sa sakit sa baga.

 

Bilang paggunita sa ating pambansang bayani,  ang ika-30 ng Disyembre ay naging isang opisyal na Public holiday sa bansa.  Merong ding mga bansa sa mundo kung saan merong mga monumentong itinayo para sa  kanyang karangalan. Matatagpuan ang mga ito sa Espanya, Japan, Wilhelmsfeld, Germany, China, USA, Hawaii, Mexico, Peru, Czech Republic,  Canada.

Dr. Jose Riza Statue

Text Messaging

Bakit mahilig sa text ang mga Pinoy?  Bakit kaya tinaguraing text Capital of the world ang bansang Pilipinas?  Ang Text messaging o SMS ay isang napakalaking bagay sa mga Pilipino.  Ito ang pangunahing paraan upang magkaroon ng komunikasyon ang bawat isa sa napakamurang halaga lamang kumpara sa phone call at sympre pa, mas naipapadama ng mga texters ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng mga letra na hindi nila kayang gawin kung personal na tatawag talaga.  Bukod sa matipid, ang text ay kaagad na nase-save sa sim card kung kaya’t ang mga mahahalagang mensahe ay tumatagal hangga’t hindi binubura ng texter.  Ang text ay malinaw na nakakarating kahit anumang klase ng panahon, kahit mahina ang signal, at kahit huli man dumating ay tyak na maipaparating ang mensahe sa pinapadalhan.  Buokod pa dito, ang iisang text ay pwedeng ipadala sa maraming tao o sa grupo sa napakamurang halaga lamang.

Ang SMS ay ginamit para sa promotional gimmick sa bansa noong taon 1995 ngunit agad na naging popular sa mga Pinoy.  Noong 1998, ang mga Telecom companies sa bansa ay naglunsad ng SMS service kung saan pwedeng magpadala ng mensahe ang mga subscribers ng libre lamang sa alinmang network sa bansa, ang mahalaga, meron kang cellphone, marunong kang magbasa at mag-compose ng mensahe.  Ang serbisyong ito ay naging isang napakalaking bagay sa sambayanan.  Dulot na rin ng kahirapan at sobrang mahal ng presyo ng lokal na tawag ang mga pinoy ay nagsimulang gamitin ang sms para sa araw araw na komunikasyon.  Sa kalaunan, ang mga Pilipino ay hindi na ginagamit ang kanilang mga cellphone sa pagtawag ngunit ito ay kanilang ginagamit sa pag-tetext.  Dahil sa dami ng nagpapalitan ng text sa buong bansa, nagkaroon ng bayad ang pagpapadala ng sms sa napakamurang halaga lamang.  Dahil sa text, ang mga mamamayan ay nakakausap at nakokontak ang kanilang mga kaibigan at mahal sa buhay sa alinmang panig ng bansa sa tulong ng sms.  Ika nga, ang sms ay bahagi na nang buhay Pilipino.

Messages sent per mobile subscriber per month

Messages sent per mobile subscriber per month

Ayon sa ulat, mahigit sa limang milyong pinoy ang nagkaroon ng cellphone noong 2001 at naging uso ang text sa bansa.  Noong 2009, mahigit sa 72 milyong pinoy ang merong celphone at mahigit sa 1.39 bilyong sms ang napapadala araw araw.  Dahil sa dami ng text messages ang ipinapadala araw araw, naging sikat ang Pilipinas bilang Text capital of the world mula 1990 hanggang sa pagpasok ng taong 2000.

Dahil sa pag-uso ng text o sms sa bansa, nagkaroon ng sariling paraan ng pag-tetext ang mga pinoy o ang tinatawag nating pinoy text codes na maiintindihan lamang ng mga kababayan.  Mapa english man o tagalog o bisaya na text ay kayang paliitin ng texter.  Naging uso ang ganitong paraan ng pag tetext upang masasabi lahat ng mensahe sa isang text lamang.  Ito ay upang makatipid sa pag-tetext lalo na at ang ordinaryong cellphone ay meron lamang 160 characters.  Kung kaya, kailangang maiksi ang mga salita, shortcut, at upang mapadali ang pagpadala ng mensahe.  Bukod sa pagtitipid, kailangang paliitin at putulin ang mga salita dahil napakahaba ang mga lokal na salitang pinoy.  Yan ang pinoy texters, napakagaling at mabilis pa sa kisapmata kung magpadala ng text kung kaya’t umabot ng isang bilyon ang mga napapadalang text araw araw sa buong bansa.  Ngunit minsan, nakakaloka at nakakairita dahil sa sobrang iksi ng mga salita ay hindi na kayang intindihin ang ibig sabihin ng ordinaryong mensahe, mas lalo na yong mga taong hindi sanay sa pinoy text ay mababaliw sa pagbabasa.

Pinoy Text Lingo

 Text Message – 3ow, mZtah n?

Tagalog & English (Taglish) – Hello, kumusta na?

English – Hello, how are you?

———-

 Text Message –  wr u?

Tagalog – Nasaan ka?

English – Where are you?

———-

Text Message – d2 mE haus

Tagalog & English (Taglish) – dito ako house

English – I am here in the house

———-

Text Message – gus2 q m2log

Tagalog – Gusto ko matulog

English – I want to sleep

Nokia Text Message

– Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

Pinoy Diaspora sa UK

UK Pinoy Diaspora

Mahigit sa 12.5 milyong Pilipino ang nasa labas ng bansa.  Ang pangunahing dahilan ay pagtatrabaho upang suportahan ang kanilang pamilya sa Pilipinas.  Ang iba naman ay nakapg-asawa ng dayuhan kung kaya’t sila ay naninirahan sa labas ng bansa kasama ang kanilang mga anak at pamilya. Meron din namang mga Pilipino ang nasa ibang bansa upang mag-aral at magkaroon ng mas mataas na edukasyon para sa sariling pag-unlad at karanasan.  Sa United Kingdom, maliit lamang ang populasyon ng mga Pilipino ang matatagpuan hindi katulad ng Amerika na may mahigit 4 na milyong pinoy ang naninirahan sa kasalukuyan.  Noong taong 2009 ang mga Pinoy sa United Kingdom ay mahigit kumulang sa 200,000 lamang.  Ang bilang mga mga pinoy ay dumami simula noong 1970 kung saan ang mga employers ay naghahanap ng mga empleyado mula sa labas ng bansa.  Ang National Health Services (NHA) ay nagsimulang mag recruit ng mga Pilipino at karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho sa mga ospital bilang mga nars, hospital staffs, caterers, at mga nurse trainees, caregivers, chambermaids at iba naman ay mga waiters.  Dahil sa kakulangan ng mga trabahador sa UK, maraming mga pilipino ang nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa United Kingdom simula noong taong 1980.  Sa kasalukuyan, mahigit kumulang sa 20,000 ang bilang ng mga Pilipinong nars ang nagtatrabaho sa UK. Mahigit sa sampung libong pilipino ang nabigyan ng British Citizenship noong taon 2007.

Matatagpuan ang pinakamalaking populasyon ng mga Pilipino sa Earls Court, London.  Meron ding malaking populasyon ng mga Pinoy sa  BirminghamLiverpoolManchesterLeeds and Barrow-in-Furness at ang iba naman ay nakakalat sa ibat ibang panig ng bansa.  Dahil na rin sa dami ng mga pinoy sa Liverpool, naging bansag na rin ang pangalang “Little Manila” kung saan maraming mga Pilipino ang matatagpuan at naninirahan dito kumpara sa ibang panig ng UK.

Katulad ng kinagawiang tradisyon sa Pinas, ang mga kababayan sa UK ay nagtatag din ng Barrio Fiesta upang ipagdiwang ang kapistahan sa bansa.  Dahil dito, ang mga pilipino ay nagkakatipon tipon at nagkakasiyahan at ipinagdiriwang ang mga nakalakhang kultura sa Pilipinas at talagang naiibsan ang kanilang pangungulila sa bayang Pilipinas.  Dahil sa napakagandang resulta ng Barrio Fiesta ay naging isang napakalaking organized event ito sa UK taon taon at dinadaluhan ng halos lahat ng mga kababayan sa UK at kahit na mga dayuhan.  Ang Barrio Fiesta ay naging isang tulay upang ang mga kababayan ay nagkikita, nagtatagpo, nagdiriwang at nagkakasiyahan habang kumakain ng masasarap na pagkaing pinoy na syang hinahanap hanap ng mga kababayan at nanood ng mga tradisyonal na sayaw, mga palaro, at kung ano ano pang uri ng mga libangan na talaga namang sariling atin.

Sa kasalukuyan, maraming mga Pilipino sa UK ang nagtatrabaho bilang nurse, caregivers, at mga hospital staffs.  Ang kanilang kontribusyon sa United Kingdom ay napakalaking tulong sa bansa.  Ayon pa sa isang balita, taon taon, mahigit sa pitong libong narses ang pumupunta sa UK kumpara sa USA kung saan mahigit lamang sa 300 nurse ang nakakaalis upang magtrabaho doon dahil sa tagal ng proseso.

Kung mga grocery stores, Filipino shops, restaurants, at kung ano ano pang produktong pinoy ang pag-uusapan, hindi pahuhuli ang ating mga negosyanteng kababayan.  Naglilipana at maraming matatagpuang mga tindahan na talaga nga namang Pinoy na pinoy at talagang patok na patok sa mga kababayan.  Siguradong hindi na mamimiss ang Pilipinas dahil lahat ay matatagpuan sa sa kanilang mga tinitirhang lugal, at kung hindi man, malaking tulong ang dulot ng internet kung saan sila ay pwedeng umorder ng mga produktong pinoy kahit anong oras na kailangan.  Kung pera naman ang pag-uusapan, tiyak na hindi ka magsisisi dahil malaki ang palitan kung kaya’t maraming Pilipino ang gustong magtrabaho at manirahan sa United Kingdom.

– Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

Summer Na Sa Pilipinas!

Bakasyon na naman, excited na ang lahat dahil umpisa na nang tag-araw.  Sa mga mag-aaral at sa mga kabataan ang panahon ng summer ang pinakamasaya sa lahat dahil walang iiisipin kundi lakwatsa, bakasyon, kain, tulog, nood ng telebisyon at gala kung saan saan.  Malaking bagay ang pasok ng tag-init o tag-araw sa bansa dahil ang mga tao ay nagbabakasyon sa kani-kanilang probinsya pagkatapos ng mahabang panahon na ginugol sa pag-aaral.  Ang mga dayuhan naman ay talagang sinasadya ang buwan ng Abril at Mayo upang pumunta sa Pilipinas dahil sa napakaraming mga islands at resorts sa Pilipinas na talaga namang patok na patok tuwing summer.  Masarap maglakbay sa ibat ibang sulok at panig ng bansa dahil walang sagabal katulad ng pagbagyo, ulan, at pagbaha  habang nagbabyahe sa mga napakaraming magagandang destinasyon sa bansa.

Perfect tropical white sand beach in Boracay, Philippines

Mga Dapat Gawin Ngayong Summer

  1. Island Hopping – dahil tag-init na napakadaling bisitahin o puntahan ang mahigit na pitong libong isla sa bansa
  2. Swimming – napakasarap maligo at lumangoy sa swimming pool, sa dagat, at kahit na ang mga ilog, talon, at mga sapa
  3. Scuba Diving – matutong mag scuba diving dahil napakalinaw ng ating karagatan at makikita ang iba’t ibang uri ng mga isda, korals, at halamang dagat sa bansa.
  4. Mall Shopping – sa mga mahihilig mag shopping at ayaw umitim sa init ng panahon napakaraming shopping malls sa bansa lalo na sa Maynila ang pwedeng puntahan ngayong summer.
  5. Road Trip / Travelling  – mag-enjoy sa napakagandang mga tanawin sa buong kapaligiran lalo na na’t kung kasama ang barkada o pamilya habang nagbabyahe patungo sa probinsya
  6. Camping – dahil walang ulan at bihira ang bagyo, masarap mag camping kasama ang tropa
  7. Mountain Climbing – para sa mahihilig umakyat sa bundok, maraming matataas na bundok sa bansa na pwedeng akyatin ngayong summer
  8. White water Rafting – para lamang sa malalakas ang loob at mahilig sa adventure, meron mga piling lugar sa bansa kung saan merong water rafting.
  9. Fishing – napakalinaw at napakalawak ng ating karagatan kaya’t pwedeng mangisda lalo’t na at tag-araw dahil ang tubig ay napakalinaw at walang ulan o bagyo kaya’t hind maalon ang karagatan
  10. Sailing – sa mga mahihilig sa sailboat, bangka, at paraw, ito ang magandang gawin sa summer.

Scuba Diving

Napakaraming mga pwedeng gawin tuwing summer sa Pilipinas.  Dahil napakaganda ng panahon at napakasaya ng kapaligiran, hindi natin maitanggi na ang mga pilipino ay napakaswerte dahil ang ating bansang Pilipinas ay paboritong pasyalan ng mga dayuhan upang magbakasyon at bisitahin ang iba’t ibang tanawin, libo-libong isla, at maligo sa napakalinis nating karagatan.  Ang bansa ay binbuo ng napakaraming mga likas na yaman at likas na kagandahan na tunay nga namang maipagmamalaki sa buong mundo.  Bukod pa rito, ang mga Pilipino ay sadya ring masayahin ar marunong makisama kahit kaninuman.

Island Hoping

– Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

Lungsod ng Maynila

pinoy corner4

Ayon sa alamat, ang pangalang Maynila ay nanggaling sa salitang “may” at sa “nilad” na tumutukoy sa mga halamang tumutubo sa Ilog Pasig noon. Bukod pa dito ang lungsod ay tinawag din noon na Ginto (Land of gold). Ang pook na ito ay isang dating kaharian na pinamumunuan noon ni Raha Soliman at ang kanyang kaharian ay nakatirik sa tabing ilog. Subalit noong dumating ang mga Kastila, nagkaroon ng labanan at nanalo ang mga Kastila. Itinatag din ang lungsod ng Maynilad bilang punong lungsod hanggang sa pinalitan ito ng Maynila o ang tinatawag natin ngayong Manila.

Ang Kalakhang Maynila ay kilala bilang National Capital Region o NCR. Ang Lungsod ay mataong lugar na may bilang na mahigit 1.7 milyong katao maliban sa konting populasyon ng mga Intsik. Ang Tondo ang tinaguriang pinakamalaking slum area sa buong bansa na may kabuuang 259 na mga barangay. Ang Maynila ay ikalawa sa Lungsod Quezon na may pinakamadaming bilang ng populasyon at dating kabesera ng Pilipinas. Ito ang pinakapopular na destinasyon ng mga naninirahan sa probinsya at bukambibig ng bawat Pilipino.

Ang lungsod din and syang nangunguna sa listahan ng mga naghananap ng trabaho mula sa mga karatig probinsya kayat kung tutuusin, ang Maynila ay isang syudad kung saan matatagpuan ang lahat ng ethnic groups sa buong bansa. Maraming mga Pilipino mula sa ibat’ ibang probinsya ng Pilipinas ang nakikipagsapalaran sa lungsod ng Maynila upang maghanap ng mapapasukan at maghanapbuhay dahil na rin sa mataas na pasahod ang bigay ng mga kumpanya dito kumpara sa mga karatig na lungsod at sa kani kanilang mga probinysa at mas marami silang mapagpipilian.

Pinoy-Corner

pinoy corner 3

Ang Maynila ay puno ng mga atraksyon tulad Malacañang Palace, Bangko Sentral ng Pilipinas, Luneta Park, Manila Bay, Coconut Palace, Manila Ocean Park, Manila Zoo at iba pa. Dito rin matatagpuan ang Unibersidad ng Santo Tomas na siyang pinakamatandang unibersidad sa Pilipinas na itinayo noong 1611 ng mga prayleng Espanol. Ang Intramuros, na nasa Maynila, noon ang nag silbing “Mini-Spain” ng Pilipinas dahil lahat ng naninirahan doon ay pawang mga Kastila lamang. Dito matatagpuan ang St. Augustine Church na kung saan matatagpuan ang pinakaunang “bamboo organ”.

Ang Manila ay popular din sa dami ng mga shopping centers na matatagpuan kahit saang sulok, at tinagurian na ring One of the Best Shopping Destinations in Asia. Halimbawa ng mga popular na shopping centers ay SM Malls, Robinsons, Glorietta, Ayala Center, Greenhills Shopping Center, Greenbelt, Divisoria, Baclaran,Tutuban at iba pa. Bawat taon, mahigit isang Milyong turista ang dumadayo sa Maynila para bisitahin at makita ang Intramuros, National Museum of the Philippines, Ermita, Rizal Park, Cultural Center of the Philippines, Manila Catthedral at iba pang mga magagandang pook.
Ang Lungsod ay napakagandang lugar at tiyak na malilibang ka sa dami ng mga pook na pwedeng puntahan na kakaiba at tunay ngang sariling atin. Maraming maipagmamalaking mga atraksyon sa buong mundo na tunay nga namang binabalik balikan ng mga dayuhan. Bukod sa magandang klima, magandang transportasyon, masasarap na pagkain, magagandang tanawin at mga aliwan, ang Lungsod ay binubuo ng tunay na sambayanang Pilipino na patuloy na nakikipagsapalaran sa pagsubok ng buhay, at sa kabila nito, napapanatili ang magandang kaugaliang Pilipino na hindi kayang pantayan ng ibang bansa.

pinoycorner6

– Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

Pinoy Valentines Day

Heart of Flowers

Ang Valentines Day ay ipinagdiriwang ng mga tao sa iba’t-ibang bansa tuwing ika labing-apat ng Pebrero bawat taon  lalo na yaong mga romantiko, mga nagmamahal, at minamahal sa buong mundo.  Kung tutuusin, isang ordinaryong araw ang Pebrero 14 ngunit sa bawat puso ng mga Pilipino, ito ang pinaka espesyal na araw upang ipagdiwang ang kanilang pagmamahal hindi lamang sa kaniliang asawa o kasintahan ngunit pati na rin sa kanilang mga magulang, sa mga anak, mga kaibigan at ka tropa.  Mas popular nga lang ang Araw ng mga Puso sa mga magkasintahan at mga nagmamahalan.  Ito ay nangyayari lamang isang araw sa isang taon ngunit ang araw na ito ay magastos rin dahil talaga namang pinaghahandaan ng bawat isa lalo na ng mga binata at mga kalalakihan upang ang Valentines Day ay magiging memorable para sa kanilang asawa, sa kasintahan o kaya sa nililligawan.  Samantala, ang mga kadalagahan naman ay palihim ding nag-aantay ng mga regalo mula sa kanilang valentino at talaga namang nakakakilig lalo na’t maraming matatangap na mga rosas at tsokolate sa araw na ito.

r2p

Ayon sa mga haka-haka, ang mga Pilipino ay natural na romantiko, sentimental, at maalalahanin. Ang kanilang nararamdaman ay kanilang ipinapakita sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga regalo at sulat, pagkain sa labas, at panonood ng mga pelikulang may tema tungkol sa pag-ibig.  Simula sa unang araw ng Pebrero marami na ang naghahanda at nag-iisip kung ano ang magandang gagawin o kaya saan gaganapin ang pagdiriwang.  Meron din namang dedma lang sa araw na ito.  Ang iba naman, naghahanap na at nagtatanong kung ano ang ireregalo sa minamahal.  Yaong mga nakadestino naman sa malalayong lugar ay kuntento na lamang sa mga greeting cards at e-cards, ang mahalaga, sila ay naalala tuwing Araw ng mga Puso.

Naging tradisyon na nang bawat Pilipino ang pagbibigay ng mga bulaklak, tsokolate, stuffed toys, greeting cards at mga hugis pusong regalo.  Pati ang mga malls, mga restaurants at resorts ay may kanya-kanya ring pakulo at promotions tuwing Araw ng Mga Puso.  Ang mga bulaklak ay halos doble ang presyo.  Ang tema ng mga cakes at mga chocolates ay talagang nakatuon sa araw na ito, at kapag balloons naman ang pag-uusapan, talagang pulang pula ang kulay at hugis puso.  Ang iba naman,pinipili ang ika-labing apat ng Pebrero para sa petsa ng kanilang kasal.  Talaga nga naman, basta Valentine’s Day ang pag-uusapan, hindi pahuhuli ang mga kabayan.  Patok na patok kahit saan.  Kahit simple lang ang regalo at pagdiriwang, ang mahalaga, basta mapapasaya ang minamahal.

Angel

Mga Kwento At Alamat Tungkol Sa Valentine

  1. Ayon sa kwento, Si Valentine ay isang pari na palihim na nagkakasal sa mga magkasintahan kahit na labag sa batas at ipinagbabawal noon sa utos na rin ng Emperor Claudius.
  2. Ang pinaka popular na simbolo ng Valentine ay hugis puso, kulay pula,  at si kupido na may panama at palaso.
  3. Ayon pa sa balita, ika labing apat ng Pebrero ang pinipiling araw ng mga ibon upang maghanap ng kapareha.
  4. Ayon pa sa alamat, kung sinumang binata ang unang masisilayan ng isang dalaga sa Araw ng Mga Puso ay syang mapapangasawa nito.
  5. Noong unang panahon, ang mga kadalagahan sa Englatera ay kumakain ng mga kakaibang pagkain para sila ay magkaroon ng panaginip at sa panaginip na iyon ay kanilang makikita ang kanilang mapapangasawa.
  6. Ang pinakaunang Valentine ay nangyari noong taon 1415 AD kung saan ang Duke ng London ay nagpadala ng mensahe sa kanyang asawa habang sya ay nakakulong sa Tower of London.
  7. Mahigit 15 milyon ang ipinadalang e-cards noong taon 2010.
  8. Ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ay ipinangalan sa martir na si Valentino. Iniuugnay ang araw na ito sa pag-ibig noong panahon ng high middle ages kung kailan naging popular ang pagpapalitan ng mga sulat sa nag-iibigan.
  9. Si San Balentíno, ayon sa Katolisismo, ang siyang patron ng mga magkasintahan.
  10. Galing ang Araw ng mga Puso sa paganong pagdiriwang na Lupercalia kung saan nagsasayawan at nag-iinuman ng alak ang mga tao.

– Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

My New Year Resolution

Uso pa nga ba ang new year’s resolution ngayon?  Ano nga ba ito?  Ito ay ang pakakaroon ng commitment sa sarili ng mga pagbabago at gustong maisakatuparan sa darating na bagong taon simula sa unang araw ng Enero.  Noon pa man, naging tradisyon na ng bawat Pilipino ang magkaroon ng new year’s resolution tuwing bagong taon.  Ika nga, bagong taon bagong buhay ang haharapin ng bawat isa at iiwan na ang masasamang elemento, pangit na kaugalian, masamang bisyo at kung ano ano pang hindi maganda para sa sarili at sa ibang tao.  Pagsapit ng new year, malaking pagbabago ang nais na mangyari sa personal na buhay para sa ikabubuti at ikauunlad ng sarili at kahit na mahirapan pa sila, kailiangang kakayanin para maisakatuparan ang mga ipinangako sa bagong taon.

Hindi lamang ang mga Pilipino kungdi halos lahat ng tao sa buong mundo ay merong sariling new year’s resolution.  Mapabata man at matanda, babae’t kalalakihan ay nag-iisip kung ano ang kanilang resolution taun-taon.  Kadalasan, mga pagbabago sa sarili ang nais na matupad katulad ng pagpapaseksi, pagpapapayat, tigil sa paninigarilyo, tigil sa inom, magigiging relihiyoso, magkakaroon ng maraming pera, pagkakaroon ng trabaho ang iilan sa mga hangad ng bawat isa.  Kadalasan nga lang, hindi naman natutupad dahil ang tagal matapos ang taon. Ang iba ay suko na kaagad pagkalipas ng dalawa o tatlong buwan lalo na kung ito ay tungkol sa pagbabawas ng timbang at pagtigil sa bisyo lalo na’t nasa paligid lamang at nakikita araw araw ang mga gustong iwasan.

Usong uso pa rin  hanggang ngayon ang new year’s resoution.  Hindi nagbabago ang tradisyong ito at naging  kagawian na ng mga Pilipino kasabay sa pagdiriwang at pagsalubong sa new year.  Naging uso ito noon pa man, mas uso ito ngayon ngunit ang kaibahan nga lang, mas naka focus ang mga tao ngayon sa pagpapaganda, pagpapayat, at kung ano ano pang pag unlad sa sarili ang naging tema sa kasalukyan.  Hindi katulad noon na ang mga tao ay nangangako sa pagbabago ng ugali, pananampalataya at mga kagawian.  Sana, kung ano man ang nasa ating mga listahan matupad at matagumpay nating makamit sa Year 2013!  Maligayang Bagong Taon Po sa Lahat ng Mga Pilipino sa Buong Mundo!

Simula ng New Year’s Resolution

  1. Noon unang panahon, ang mga Babylonians ay nangako sa kanilang mga Diyos na ibabalik nila ang mga nahiram na mga bagay at babayaran ang kanilang mga utang pagsapit ng bagong taon.
  2. Ang mga Romano naman ay nangangako sa kanilang Diyos na si Janus tuwing bagong taon, dahilan na rin na ang unang buwan ng bawat taon ay naging “January”.
  3. Ang mga Kristiyano naman ay nagdadasal para sa hiling ng pagbabago sa sarili at pag-iiwan ng mga masasamang gawi pagpasok ng bagong taon.

pinoy corner

Pinoy’s New Year Resolution

  1. Iiwasan na ang paninigarilyo, inom pwera sa birthday, pasko, fiesta atbp.
  2. Magkakaroon ng trabaho sa abroad.
  3. Magpapaseksi na ngayong taon.
  4. Hindi na iinom ng isang bote ng alak isang araw, (dapat dalawang bote na)
  5. Uuwi nang mas maaga araw araw. (bandang alas tres ng umaga)
  6. Maging kuripot, manghiram na lng kesa bumili ng gamit.
  7. Maliligo once a week para tipid sa tubig.
  8. Kailangang magkaroon ng BF or GF ngayong taon.
  9. Kakalimutan at Iiwasan ang Facebook.
  10. Kalimutan ang mga utang noong nakaraang taon.

Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

Pasko Na Naman

Malamig na ang simoy ng hangin, ibig sabihin pasko na naman.  Sa ordinaryong mamamayan kasabay ng pagsapit ng pasko ay ang dagdag na gastusin sa naturang okasyon.  Dahil na rin sa kinagawiang tradisyon sa Pilipinas, hindi maiiwasan na hindi maghahanda sa pasko, at lalong malungkot kung wala tayong maibibigay na regalo sa mga kamag-anak lalo na sa mga mumunting bulilit na umaasam-asam ng magagandang regalo galing kay Santa Klaus.  Sa mga mayayaman, okey lang, mas masaya kasi nga magkakasama-sama ang pamilya habang pinagsasaluhan ang marangyang pagkain sa noche buena habang nagbibigayan ng regalo sa isa’t isa. Sa mga dukha, sa mga batang kalye, sa mga pulubi, sa mga ulila, malungkot talaga lalo na’t walang makakaalala sa kanila tuwing kapaskuhan.

Ang ating mga kababayan na OFWS na hindi makakauwi sa buwan ng Disyembre ay malungkot ring ipninagdidiwang ang napakahalagang okasyong ito dahil sa sila ay malayo sa kanilang mga mahal sa buhay sanhi na rin ng kahirapan sa Pilipinas.  Isinasakripisyo ang kanilang pansariling kaligayahan, iiwanan ang kanilang mga magulang, mga, anak at asawa kapalit ng dolyar na dulot ng pangingibang bayan.  Di bale na, kahit wala ang Inay at Itay sa pasko, marami namang handa at maraming mamahaling regalo ang matatanggap mula sa kanilang pawis at pagod na syang puhunan sa paghahanap ng pera sa ibang bansa.  Ang regular na padala ay nadodoble pa tuwing pasko kaya sobrang tipid at dobleng kayod ang gagawin para mapunan ang luho at mga hiling ng mga minamahal sa Pilipinas tuwing kapaskuhan.

Kada buwan ng Disyembre, ang lahat ng mga bilihin ay tumataas bigla.  Ang presyo ng mga gulay at prutas ay halos hindi na kayang bilhin ng ordinaryong mamayan.  Ang mga inaanak ay ganun din. Nag-aantay ng mga bonggang pamasko mula sa mga ninong at ninang na naaalala lamang pagsapit ng pasko.  Kapag hindi ka makapagbigay ng kahit na munting regalo, “kuripot” ang magiging bansag sa iyo.  Ang pagbibigay ng regalo tuwing pasko ay isa sa mga kinagawian ng bawat Pilipino at ito ang nagpapasaya sa bawat isa tuwing pasko.  Ang lahat ay abala sa paghahanda ng mga regalo at ang iba naman ay nag uumpisa nang magshopping bago pa man sumapit ang buwan ng Disyembre.

Ito ang tunay na pasko sa Pinas.  Masaya, magastos, malungkot, halo-halong emosyon ang mararamdaman ng bawat isa.  Ngunit ganunpaman, tuwing pasko, ang sambayanan ay nagkakaisa para sa isang mithiin.  Ito ay ang pag gunita at pagdiriwang sa pagkasilang ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng mga kinagisnang tradisyon bilang Pilipino at Katolikong mamamayan.  Kinakalimutan muna ang mga alitan, ang mga problema at kung ano ano pang suliranin dahil ang mensahe ng pasko ay kapayapaan, pagbibigayan, at pagmamahalan.  Sana marami po tayong mapasaya ngayong  pasko.  Maligayang pasko po sa inyong lahat!

Mga Simbolo ng Pasko Sa Pilipinas
  1. Christmas Tree – hindi kumpleto ang pasko pag walang Christmas Tree
  2. Parol – maliwanag na parol ang simbolo ng bituin sa Belen
  3. Belen – kung saan ipinanganak ang Panginoong Hesus
  4. Santa Claus – nagbibigay ng regalo sa mga bata
  5. Christmas Caroling – pamaskong himig and dulot sa sambayanan
  6. Misa De Gallo – simbang gabi tuwing ika –16 hanggat ika 24 ng Disyembre
  7. Noche Buena –  espesyal na mga hain sa bisperas ng pasko (24 ng Disyembre)
  8. Christmas Party – kris kringle, monito monita, exchange gifts, atbp.
  9. Puto Bumbong at Bibingka – paboritong pagkain pagkatapos ng simbang gabi
  10. Christmas Gifts – inaantay ng lahat tuwing pasko

– Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

Ang Undas Sa Pilipinas

Ang undas ay isang napakalaking selebrasyon sa Pilipinas na pinaghahandaan ng bawat Pilipino taon taon.  Ang okasyong ito ay nagsisimula sa ika-una at pangalawang araw ng Nobyembre.  Bukod sa Undas, ang okasyong ito’y tinatawag din na Todos Los Santos, Araw ng mga kaluluwa, Araw ng mga patay, at araw ng mga Santo.  Ngunit kahit ano pa man ang tawag ng mga tao dito, ang kanilang pag gunita at paghahanda ay hindi nagbabago.  Ang pag-gunita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ay nagaganap sa pamamagitan ng pagluluto at pag-aalay ng mga paboritong pagkain sa puntod ng yumao, pag-aalay ng mga bulaklak, padasal, at paglilinis ng paligid nito.

Ang isa pang pinakaaabangan ng lahat tuwing sasapit ang Undas ay ang pagkikita-kita ng mga kaibigan at mga kamag-anak sa sementeryo kung saan ang lahat halos ng mga Pilipino saan mang sulok ng bansa ay umuuwi sa kani-kanilang mga probinsya  para lamang mabisita ang kanilang mga namatay na kamag-anak sa sementeryo. Ang pista ng mga patay ay nagsisilbing tulay na rin para magkatipon-tipon ang mga kamag-anak at mga kaibigan, mga kapamilya at magkakaroon ng pagkakataong makapiling ang mga mahal sa buhay na nakadestino sa malayong lugar.  Kadalasan, pagkatapos ng misa at padasal, merong kainan at inuman, kasama na rin ang konting sugal katulad ng mah jong, tong-its, pusoy at kung ano ano pang libangan at pampalipas oras habang nakatambay sa sementeryo na minsan ay inaabot ng hatinggabi at magdamag.  Ang iba naman ay meron pang sound system sa sementeryo, minsan nag vivideoke, kwentuhan lalo na’t nakakatakot ang pinag-uusapan na syang paborito ng mga kabataan.  Imbes na malungkot at matahimik na okasyon, nagkakasiyahan ang lahat dahil sa bukod sa mga kamag-anak na kasama, meron pang kainan at kasiyahan na dala ang okasyon habang nasa tabi ng puntod ng yumaong ama, ina, at iba pang mahal sa buhay na pumanaw na. Yan ang undas para sa pinoy.

Bukod sa mga paboritong pagkain na dala dala ng mga kamag-anak sa sementeryo sari-saring mga negosyo ang nagsusulputan sa sementeryo tuwing undas at syempre pa, dahil matao sa sementeryo patok ang negosyo sa loob ng dalawa o tatlong araw.  Mapa bulaklak man, kandila, pamisa, padasal, palinis at kung ano ano pang pagkakakitaan  ay matatagpuan kahit saan.  Pagsapit ng gabi ng undas, ang bawat kabahayan ay personal na nag-aalay din ng pagkain at padasal, paglalagay ng kandila bulaklak sa altar kung saan ang lahat ay iniaalay sa mga santo at kaluluwa.  Kadalasan, mga minatamis at mga kakanin katulad ng suman, sapin-sapin, bibingka, palitaw, ginataan, at puto ang mga hain, at syempre, hindi mawawala ang paboritong pagkain ng yumao.  Ayon sa pamahiin, dadalawin ka ng kaluluwa pag nakalimutan mong mag-alay ng pagkain sa gabi ng undas.  Kumbaga, mahirap man o mayaman, kahit gaano man karami ang nabago sa mga mamayan, ang kanilang pag gunita sa araw ng Undas ay hindi kumukupas.  Kahit saan man sila magpunta at saan mang sulok ng mundo dalhin ng kapalaran, hahanap hanapin pa rin ang kinagisnang kaugalian at ang masasayang alala na dulot ng Undas sa Pilipinas.

Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

Ang Pinoy At Videoke

Bakit nga ba mahilig and mga pinoy sa musika, sa karaoke, at sa videoke? Kahit saang sulok ng bansa ka man magpunta halos lahat ay mahilig kumanta. Bata man at matanda, may boses o wala, mahirap o mayaman, sa mall at sa mga bars, me party o wala, ang mahalaga may kantahan, may kasamang inuman, at syempre may masarap na pulutan, umpisa na ang kasiyahan. Sa tutuo lang, mahilig talaga ang mga pinoy sa videoke dahil ang libangang ito ay nakaaliw, pamatid sa pagod, pamatay sa lungkot, magandang pampalipas oras at napakagandang libangan kesa magsugal at magtsismisan. Pag maganda ang boses, sikat ka at maraming tagahanga. Meron ka pang chance na maging singer o artista sa bansa.

Sa mga probinsya, kadalasan din, pag walang magawa ang mga kasambahay, umpisa na ang kantahan at biritan. Mapa araw man o gabi, walang oras ang awitan. Basta naumpisan na, ayun, wala nang urungan, lalo pa at may kasabay na sayawan. Istorbo nga lang sa mga kapitbahay pag inabot ng magdamag ang kasiyahan, lalo na’t medyo nagkakalasingan na. Yan ang pinoy! Talagang mahilig sa musika, kahit walang talent, sige lang hirit ng hirit pa. Pero mas maganda, kung merong alak na kasama. Magandang kumbinasyon ika nga, lalot na kasama ang mga kaibigan at tropa. Bukod sa matipid ang libangang ito, na-eensayo pa ang boses ng bawat isa.

Ang mga kabayan na nagtatrabho sa labas ng bansa ay ganun din. Walang mas magandang libangan kungdi ang kantahan. Mapa birthday man o wala, basta may pagkakataon, walang ibang gagawin kungdi ang videoke kasama ang mga kaibigan. Bukod sa inuman, at kainan, madalas may kantahan. Hindi kumpleto ang isang party pag walang biritan. Walang pinipili ang pinoy pagdating sa musika, mapalokal man o foreign music patok sa kanila. Kahit magdamag na kantahan, walang urungan. Ang videoke ay nagsisilbing gamot na rin sa lungkot na dulot ng pangingibang bansa. Ang sabi nga ng iba, basta’t may pinoy party daw, talagang maingay, magulo, pero sobrang saya, kahit walang tulugan, ang mahalaga, may videoke at kumpleto ang barkada.

Yan ang pinoy, mahal ang musika. Ika nga, kumbaga sa pagkain, ito ang nangunguna sa puso ng masa. Nasa dugo na ng bawat Pilipino ang pagmamahal at hilig sa musika. May talento man o wala, mahilig talaga sa biritan. Kahit ang mga dayuhan ay hanga sa kakaibang hilig ng mga pinoy sa kantahan na hindi kayang pantayan ng kahit ninuman.

Ang Simula ng Karaoke At Videoke

Noong 1974, nakaimbento si James Del Rosario ng Sing-along system na may kasamang microphone at amplifier, kung saan ang music system ay may kakayahan na pagandahin ang boses ng kumakanta. Ito ay naging popular bilang minus one dahil sa kakayahan ng music system na alisin ang vocal channel ng isang kanta. Noong dekada 90, naging popular ang “sing-along”. Kahit saan ka man magpunta may mga singing contest saan mang sulok at kahit na sa tabi ng kalsada. Ang mga kainan at inuman din ay nagkaroon ng kanya-kanyang music system kung saan pwedeng kumanta ng libre, ang sa iba naman ay ginawang sideline kung saan sa halagang limang piso ang bawat musika pwede na mag videoke. Dahil halos karamihan noon ng mga turistang hapon na bumisita sa pilipinas ay mahilig kumanta, ang bansag ng mga hapones sa kantahan ay “karaoke” na naging dahilan na rin ng popularidad nito sa buong bansa. Hanggang sa lumaon, karaoke na ang naging opisyal na bansag ng mga pinoy dito. Ang videoke or Karaoke-TV (KTV) naman ay naimbento dahil na rin sa popularidad ng karaoke kung saan merong kasamang video ang bawat musika para lalong maaliw ang sambayanan.

 

– Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers