Ang undas ay isang napakalaking selebrasyon sa Pilipinas na pinaghahandaan ng bawat Pilipino taon taon.  Ang okasyong ito ay nagsisimula sa ika-una at pangalawang araw ng Nobyembre.  Bukod sa Undas, ang okasyong ito’y tinatawag din na Todos Los Santos, Araw ng mga kaluluwa, Araw ng mga patay, at araw ng mga Santo.  Ngunit kahit ano pa man ang tawag ng mga tao dito, ang kanilang pag gunita at paghahanda ay hindi nagbabago.  Ang pag-gunita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ay nagaganap sa pamamagitan ng pagluluto at pag-aalay ng mga paboritong pagkain sa puntod ng yumao, pag-aalay ng mga bulaklak, padasal, at paglilinis ng paligid nito.

Ang isa pang pinakaaabangan ng lahat tuwing sasapit ang Undas ay ang pagkikita-kita ng mga kaibigan at mga kamag-anak sa sementeryo kung saan ang lahat halos ng mga Pilipino saan mang sulok ng bansa ay umuuwi sa kani-kanilang mga probinsya  para lamang mabisita ang kanilang mga namatay na kamag-anak sa sementeryo. Ang pista ng mga patay ay nagsisilbing tulay na rin para magkatipon-tipon ang mga kamag-anak at mga kaibigan, mga kapamilya at magkakaroon ng pagkakataong makapiling ang mga mahal sa buhay na nakadestino sa malayong lugar.  Kadalasan, pagkatapos ng misa at padasal, merong kainan at inuman, kasama na rin ang konting sugal katulad ng mah jong, tong-its, pusoy at kung ano ano pang libangan at pampalipas oras habang nakatambay sa sementeryo na minsan ay inaabot ng hatinggabi at magdamag.  Ang iba naman ay meron pang sound system sa sementeryo, minsan nag vivideoke, kwentuhan lalo na’t nakakatakot ang pinag-uusapan na syang paborito ng mga kabataan.  Imbes na malungkot at matahimik na okasyon, nagkakasiyahan ang lahat dahil sa bukod sa mga kamag-anak na kasama, meron pang kainan at kasiyahan na dala ang okasyon habang nasa tabi ng puntod ng yumaong ama, ina, at iba pang mahal sa buhay na pumanaw na. Yan ang undas para sa pinoy.

Bukod sa mga paboritong pagkain na dala dala ng mga kamag-anak sa sementeryo sari-saring mga negosyo ang nagsusulputan sa sementeryo tuwing undas at syempre pa, dahil matao sa sementeryo patok ang negosyo sa loob ng dalawa o tatlong araw.  Mapa bulaklak man, kandila, pamisa, padasal, palinis at kung ano ano pang pagkakakitaan  ay matatagpuan kahit saan.  Pagsapit ng gabi ng undas, ang bawat kabahayan ay personal na nag-aalay din ng pagkain at padasal, paglalagay ng kandila bulaklak sa altar kung saan ang lahat ay iniaalay sa mga santo at kaluluwa.  Kadalasan, mga minatamis at mga kakanin katulad ng suman, sapin-sapin, bibingka, palitaw, ginataan, at puto ang mga hain, at syempre, hindi mawawala ang paboritong pagkain ng yumao.  Ayon sa pamahiin, dadalawin ka ng kaluluwa pag nakalimutan mong mag-alay ng pagkain sa gabi ng undas.  Kumbaga, mahirap man o mayaman, kahit gaano man karami ang nabago sa mga mamayan, ang kanilang pag gunita sa araw ng Undas ay hindi kumukupas.  Kahit saan man sila magpunta at saan mang sulok ng mundo dalhin ng kapalaran, hahanap hanapin pa rin ang kinagisnang kaugalian at ang masasayang alala na dulot ng Undas sa Pilipinas.

Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

Advertisements