Bakit nga ba mahilig and mga pinoy sa musika, sa karaoke, at sa videoke? Kahit saang sulok ng bansa ka man magpunta halos lahat ay mahilig kumanta. Bata man at matanda, may boses o wala, mahirap o mayaman, sa mall at sa mga bars, me party o wala, ang mahalaga may kantahan, may kasamang inuman, at syempre may masarap na pulutan, umpisa na ang kasiyahan. Sa tutuo lang, mahilig talaga ang mga pinoy sa videoke dahil ang libangang ito ay nakaaliw, pamatid sa pagod, pamatay sa lungkot, magandang pampalipas oras at napakagandang libangan kesa magsugal at magtsismisan. Pag maganda ang boses, sikat ka at maraming tagahanga. Meron ka pang chance na maging singer o artista sa bansa.

Sa mga probinsya, kadalasan din, pag walang magawa ang mga kasambahay, umpisa na ang kantahan at biritan. Mapa araw man o gabi, walang oras ang awitan. Basta naumpisan na, ayun, wala nang urungan, lalo pa at may kasabay na sayawan. Istorbo nga lang sa mga kapitbahay pag inabot ng magdamag ang kasiyahan, lalo na’t medyo nagkakalasingan na. Yan ang pinoy! Talagang mahilig sa musika, kahit walang talent, sige lang hirit ng hirit pa. Pero mas maganda, kung merong alak na kasama. Magandang kumbinasyon ika nga, lalot na kasama ang mga kaibigan at tropa. Bukod sa matipid ang libangang ito, na-eensayo pa ang boses ng bawat isa.

Ang mga kabayan na nagtatrabho sa labas ng bansa ay ganun din. Walang mas magandang libangan kungdi ang kantahan. Mapa birthday man o wala, basta may pagkakataon, walang ibang gagawin kungdi ang videoke kasama ang mga kaibigan. Bukod sa inuman, at kainan, madalas may kantahan. Hindi kumpleto ang isang party pag walang biritan. Walang pinipili ang pinoy pagdating sa musika, mapalokal man o foreign music patok sa kanila. Kahit magdamag na kantahan, walang urungan. Ang videoke ay nagsisilbing gamot na rin sa lungkot na dulot ng pangingibang bansa. Ang sabi nga ng iba, basta’t may pinoy party daw, talagang maingay, magulo, pero sobrang saya, kahit walang tulugan, ang mahalaga, may videoke at kumpleto ang barkada.

Yan ang pinoy, mahal ang musika. Ika nga, kumbaga sa pagkain, ito ang nangunguna sa puso ng masa. Nasa dugo na ng bawat Pilipino ang pagmamahal at hilig sa musika. May talento man o wala, mahilig talaga sa biritan. Kahit ang mga dayuhan ay hanga sa kakaibang hilig ng mga pinoy sa kantahan na hindi kayang pantayan ng kahit ninuman.

Ang Simula ng Karaoke At Videoke

Noong 1974, nakaimbento si James Del Rosario ng Sing-along system na may kasamang microphone at amplifier, kung saan ang music system ay may kakayahan na pagandahin ang boses ng kumakanta. Ito ay naging popular bilang minus one dahil sa kakayahan ng music system na alisin ang vocal channel ng isang kanta. Noong dekada 90, naging popular ang “sing-along”. Kahit saan ka man magpunta may mga singing contest saan mang sulok at kahit na sa tabi ng kalsada. Ang mga kainan at inuman din ay nagkaroon ng kanya-kanyang music system kung saan pwedeng kumanta ng libre, ang sa iba naman ay ginawang sideline kung saan sa halagang limang piso ang bawat musika pwede na mag videoke. Dahil halos karamihan noon ng mga turistang hapon na bumisita sa pilipinas ay mahilig kumanta, ang bansag ng mga hapones sa kantahan ay “karaoke” na naging dahilan na rin ng popularidad nito sa buong bansa. Hanggang sa lumaon, karaoke na ang naging opisyal na bansag ng mga pinoy dito. Ang videoke or Karaoke-TV (KTV) naman ay naimbento dahil na rin sa popularidad ng karaoke kung saan merong kasamang video ang bawat musika para lalong maaliw ang sambayanan.

 

– Send money to your loved ones in Philippines via Remit2Home Online Money Transfers

Advertisements